The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

PINAGPANIBAGONG KATEKESIS

 I.   KATURUAN

 “EBANGHELISASYON”, ANG MISYON NG SIMBAHAN

 Ipinahayag ni Jesus sa simula ng Kanyang ministeryo: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos!  Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito” (Marcos 1:15).  Nagsimulang maghari ang Diyos sa pagdating ni Jesus; kaya  nga’t Kanyang itinuro:  "Gayon na lamang ang pag?ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya binigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sumasampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan" (Juan 3:16).  Iniutos naman ni Jesus sa mga alagad sa katapusan ng Kanyang misyon:   “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita.  Ang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas” (Marcos 16:15-16).  Isinagawa ito ng Kanyang mga alagad; kaya’t mababasa natin sa Unang Sulat ni San Juan (1 Jn 1: 1-3):

 

“Sumusulat kami sa inyo tungkol sa Kanya na sa simula pa’y siya na, ang Salitang nagbibigay-buhay.  Narinig namin Siya at nakita, napagmasdan at nahipo ng aming mga kamay. Nahayag ang Buhay.  Nakita namin Siya at pinatotohanan sa inyo.  At ipinangangaral naming sa inyo ang Buhay na walang hanggan na kasama ng Ama at nahayag sa amin…upang makasama namin kayo sa pakiki-isa sa Ama at sa Kanyang Anak na si Jesu-Kristo.”

 

Ang Mabuting Balita ay si Jesu-Kristo at ang buhay na walang hanggan na alok ng Diyos Ama sa pamamagitan ng pakikiisa sa Kanya sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.  “Ebanghelisasyon” ang tawag sa pagpapayahag ng Mabuting Balita.  Ito ang dahilan kung bakit itinatag ni Kristo ang Simbahan – ang maipagpapatuloy ang Kanyang mapagligtas na misyon sa daigdig at maitaguyod ang lahat ng tao tungo sa Kaharian ng Diyos (EN 14).  Ipinaliwanag ng Santo Papa, Pablo VI,

 

“Ipinapangaral ang Mabuting Balita tuwing inilalapat ng Simbahan ang Katotohanan na kanyang sinasampalatayanan  sa bawat larangan ng buhay ng tao upang ito’y mapanibago: “Tingnan mo, binabago ko ang lahat ng bagay…” (Pahayag 21:5) Tuwing pinagsisikapan niya, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Balitang kanyang ipinapahayag, na baguhin ang puso ng bawat tao at lahat ng tao, kalakip ng kanilang mga gawain, buong buhay at kapaligiran…Hinahangad ng Simbahan na mabago, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Mabuting Balita, ang lahat ng pamantayan  ng paghatol, umiiral na pagpapahalaga, mga pinagkaka-abalahan, mga pamamaraan ng pangangatwiran, mga hangarin at pangarap ng tao na ngayon ay salungat sa  Salita ng Diyos at sa Kanyang panukala sa kaligtasan ng tao (EN 18-19).

 

Ang pagtalikod sa kasalanan at ang pagsampalataya sa Mabuting Balita ay ang tugon na nararapat sa “Ebanghelisasyon”.  Ayon sa Ikalawang Konsilyo Vatikano, “sa pamamagitan ng pananampalataya, malayang itinatalaga ng tao ang kanyang buong sarili sa Diyos, isinasagawa niya ang buong paghahandog ng kanyang isipan at kalooban sa Diyos na nagpapahayag at buong pusong tumatanggap sa pahayag na ibinigay ng Diyos (DV 5).  Kung gayon, ang pananampalataya ay hindi lamang simpleng personal na pakikipag-ugnayan kay Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas at sa pamamagitan Niya, sa Ama at sa Espiritu Santo.  Ang pananampalataya ay isang pagpapasya na itinalaga ang sarili kay Kristo, ng pagsunod sa Kanya, ng pagalam at pagtanggap sa mga katotohanang patuloy Niyang ipinangangaral sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan (PCP II, 64-65).

 

Matapos na pagtibayin ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas ang pangarap na mapanibago ang bawat Pilipinong Katoliko, ang kanyang pananampalataya ay maging personal na pasya, mulat, pansambayanan, may misyon, nagpapaganap, nagmamahal at nakabatay sa kultura ang kanyang pananampalataya (PCP II, 73); at ang pangarap mapanibago ang Simbahan sa ating bansa upang ito’y maging Sambayanan ng mga Alagad at Simbahan ng mga Dukha (PCP II, 155), pinagpanibagong “ebanghelisasyon”  ang napagpasyahang Misyon ng Simbahan sa Pilipinas:

 

Pagbabalik-loob ang simula ng Pinagpanibagong “Ebanghelisasyon”.     Hangga't   hindi   tinatalikdan   ng  tao ang  kasalanan at hindi nanunumbalik sa Diyos, hangga’t hindi siya sumasailalim sa isang pagbabagong-isip at pagbabagong? puso, at hangga't hindi siya nagpapasyang sumunod kay Kristo, hindi mamumunga ang anumang “Ebangheli?sasyon”.  Datapwat para sa mga taong nakapagbalik-loob na at sumasampalataya, katekesis ang siyang kasu?nod.  Isang Pinagpanibagong Katekesis kung gayun, ang unang elemento ng Pinagpanibagong Ebanghe-lisasyon (PCP II, 156).

 

ANG TATLONG YUGTO NG “EBANGHELISASYON” AT ANG MGA PILIPINONG KATOLIKO

 

Sa kamalayan ng Simbahan, may tatlong nagtatalabang yugto ang daloy ng Ebanghelisasyon:

 

1)  Pagpapahayag ng “Kerygma” o Mabuting Balita ni Jesu-Kristo (“kerygmatic or missionary proclamation”) sa mga hindi pa sumasampalataya o sa mga binyagan na nagwawalang-bahala sa kanilang pananampalataya;

 

2) Panimulang Katekesis (“initiatory or pre-Sacramental catechesis”) sa mga sumampalatayang naghahandang tumanggap ng mga sakramento ng pag-anib sa Sambayanan; at

 

3)  Patuloy na paghubog sa pananampalataya (“continuing or pastoral catechesis”) sa mga Mananampalataya upang lalong maging ganap ang kanilang buhay-Kristiyano sa loob ng Sambayanan (GDC, 60-72). 

 

          Katekesis naman ang tawag sa ikalawa at ikatlong yugto ng “Ebanghelisasyon”.  Ang katekesis ay para sa mga sumasampalatayang tumalikod na sa kanilang mga kasalanan at nagpasyang sumunod kay Kristo.  Karamihan sa mga Pilipinong Katoliko ay sanggol pa lang nang bininyagan.  Malaki ang posibilidad na hindi sila naturuan ng katesismo ng kanilang mga magulang, ninong at ninang. Ang kanilang pananampalataya ay bahagi lamang ng mga kaugalian at kaalamang minana bilang mga Pilipino. Batay sa pagsusuring ginawa ng lkalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, ang pananampalataya ng karamihan sa ating mga kababayan ngayon ay nakatuon sa pagsasagawa ng mga “ritwal” ng kinagawiang pagpapakabanal at hindi sa Salita ng Diyos, sa mga aral-pananampalataya, sa pagdiriwang ng mga Sakramento (maliban sa mga sakramento ng binyag at kasal), sa Sambayanan o sa pagsisikap na gawin itong tanda ng Paghahari ng Diyos sa daigdig. 

 

          Masasabi nating angkop din sa mga Pilipinong Katoliko ang puna ng Santo Papa Juan Pablo II sa antas ng pananampalataya ng maraming Katoliko sa buong mundo:

 

“Hindi pa ipinapahayag ang Kerygma sa marami sa mga binyagan. Matapos mabinyagan noong sila ay sanggol pa lamang, marami sa  mga batang nagkakatekesis ngayon sa mga parokya, walang anumang tinanggap na malalim na paghubog sa pananampalataya at walang hayagang matalik na kaugnayan kay Jesu-Kristo; ang tanging dala-dala nila ay ang kakayahang sumampalataya na bunga ng binyag at ang pananahan sa kanila ng Espiritu Santo…Marami naman sa mga binyagang kabataan na tumanggap ng maayos na katekesis at ng mga sakramento ay nag-aatubili pa ring italaga ang buo nilang buhay kay Jesu-Krisito…Gayundin, hindi pa rin ligtas ang mga Katolikong may gulang na sa tukso na pagdudahan at talikdan ang kanilang pananampalataya sa gitna ng mundong walang Diyos o dahil sa panghihikayat ng mga ibang sekta… Kaya nga’t, kadalasan, dapat ding isaalang-alang ng katekesis,  hindi lamang ang pagtuturo at pagpapalago ng pananampalatya, kundi kabilang na rin ang pag-pukaw nito, ang pagbubukas ng puso, ang pagbabagong-buhay, at ang paghahanda ng mga dating bininyagan na sa  pagtatalaga ng kanilang buong sarili kay Jesu-Kristo. (CT, 19)   

 

          Ang lubhang pagka-salat sa kaalaman at kakapusan sa paghubog sa pananampalataya ang dahilan ng ganitong kakulangan sa buhay-pananampalataya ng higit na nakararaming Pilipino na hindi aktibong nakikibahagi sa buhay ng Simbahan (PCP II, 13).  Ang bunga nitong kawalan ng pagpasya na magbagong-puso, sumampalataya at sumunod kay Jesu-Kristo na inaasahang tugon sa Pagpapahayag ng Kerygma, marahil, ang pinakadahilan sa malungkot na katotohanang hinaharap ng Simbahan sa Pilipinas. Matapos ang humigit kumulang na 500 taon ng ating pananampalataya, nananatili pa rin ang magkahalong dilim at liwanag sa buhay natin bilang sambayanan. Salamat sa pagpapakasakit at katapatan ng mga misyonerong pari, ng mga katuwang nilang Pilipinong pari at layko, naitanim ang Kristiyanong pananampalataya sa ating bansa. Lininang tayong maging isang bayan, “pueblo amante de Maria.” Hindi natin iwinaksi ang Krus kahit sa panahon na naghimagsik tayo laban sa mga Kastila. Pinapatunayan lamang ng ating mga “ritwal”, mga “debosyon” at ng mga iba’t ibang pagdiriwang na tunay ngang isinapuso ng mga Pilipino ang pananampalataya.  Gayunpaman, hindi tayo dapat maging bulag sa mga pagkukulang sa ating buhay-pananampalataya. Napakalayo pa ang tatahaking landas ukol sa pagkakaroon ng tunay na kapayapaan, katarungan, pagpapatawad at pagkakaisa. Nananatiling hiwalay ang pananampalataya ng marami sa araw?araw na pamumuhay.  Laganap ang kahirapan, ang problema sa kalikasan, ang kawalan ng tiwala sa mga namumuno at mga “institusyon,” ng pamahalaan, ang kriminalidad at ang pandaraya sa iba't ibang larangan ng buhay sa lipunan ? ang mga ito ay dapat naiwasto ng pagtanggap sa Mabuting Balita.  Ito rin marahil ang dahilan kung bakit nakakulong ang buhay-pananampalataya ng maraming Pilipino sa mga “ritwal” ng kinagawiang pagpapakabanal at sa mga pagsamba sa “imahen” na pinupunasan, dinadamitan, pinapabanguhan, isinasayaw o sinasayawan. Ito rin ang dahilan kung bakit higit tayong natatakot sa mga pamahiin na nagsasabing huwag maglibing kung araw ng Lunes at huwag magpakasal ng “sukob-sa-taon” kaysa sa Diyos na nagsabi, “anumang ang ginawa ninyo sa pinaka-aba sa inyong kapatid, sa Akin ninyo ginawa” (PCP II, 10-15 at “Message of the Council to the People of God in the Philippines”) 

 

Kawalan din ng personal na pagpasyang tumalikod sa kasalanan at mababaw na pagsasabuhay ng pananampalataya ang dahilan kung bakit, ayon sa Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, pagbabagong-puso at pagpasyang sumunod kay Kristo ang pangunahing layunin ng pinagpanibagong “ebanghelisasyon” at ang pangunahing pangangailangan para mabungang maisagawa ang pinagpanibagong “katekesis” (PCP II, 156).  Ito ang dahilan kung bakit ang nakikitang pinakahamon sa Simbahan sa Pilipinas ay ang pagsikapan gawing Alagad ang bawat mananampalataya at gawing Sambayanan ng mga Alagad at Sambayanan ng mga Dukha ang lahat ng mga sumasampalataya.  Pinagpanibagong “ebanghelisasyon” at “katekesis” ang misyon ng Simbahan sa Pilipinas.

 

PAGPAPAHAYAG NG KUWENTO NI JESUS

 

“Papaano bang aanyayahang sumampalataya kay Jesu-Kristo ang mga binyagan na para sa kanila hindi na Balita at hindi na rin Mabuti ang mga Doktrinang itinuturo ng Simbahan?” Naniniwala ang Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas na “kailangan nating isalaysay muli ang kuwento ni Jesus sa ating sarili, nang sa gayon, higit na maging kapani-paniwala, higit na maging makapangyarihan, ang ating pagkukuwento sa iba tungkol sa  Kanya” (PCP II, 36).  Kailangan natin titigang muli ang mukha ni Jesu-Kristo at pagnilay-nilayan ang Kanyang puso upang Siya ay makilala, mahalin at masundan.  Samakatuwid, ang katauhan (person) ni Jesu-Kristo ang unang ipapakilala at hindi ang mga iba’t ibang turo tungkol sa Kanya.  “Papaano?”  Sa pamamagitan ng kuwento ng buhay ni Jesus, “isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao…nahatulang mamatay at ipinako sa krus” (Lucas 24:20) ngunit sa kanyang muling pagkabuhay, tunay Siyang maaasahan na magpapalaya sa atin sa kahirapan, kasalanan, kawalan ng kahulugan o patutunguhan sa buhay, kamatayan at lahat ng umaalipin sa tao.  Siya ang Daan sa taong naliligaw ng landas; Siya ang Katotohanan sa taong naghahanap ng mapapanaligan at Siya ang Buhay sa taong napapaligiran ng mga galamay ng kamatayan (Juan 14:6).

 

Ang muling pagpapahayag ng Kuwento ni Jesus sa ating sarili ang unang yugto ng pinagpanibagong “ebanghelisasyon.”  Kailangan nating matuklasan ang kahulugan ng Kuwento ni Jesus sa ating buhay tulad ng nangyari sa labindalawang alagad.  Ito ay nagsisimula sa kuwento ng pag-ibig at habag ng Ama, pag-ibig na ibinunyag sa pamamagitan ng Anak na namatay at muling nabuhay, pag-ibig na ipinagkaloob sa atin sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.  Sa isang pananaw, ang Kuwento ng mga Kristiyano ay isang bagong “Ebanghelyong nagmumula” sa pagkilala sa Diyos bilang, “Dives in Misericordia,” at “isang Amang tumatakbo para salubungin ang   nagbababalik-loob Niyang anak (Lucas 15:11-32).  Ito ang Salitang inibig ni Pedro at kanyang nasambit, “Panginoon, kanino pa kami pupunta?  Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan” (Juan 6:68).  Ito ang Magandang Balitang tumalab sa buong pagkatao ni Pablo at kanyang naipahayag, “namatay na akong kasama ni Kristo sa Krus at kung ako ma’y buhay hindi na ako ang nabubuhay kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin” (Galacia 2:19-20).  Ito ang Kuwento ng Pag-ibig na kailangan magkapuwang, matanim at tumubo sa ating puso.  Ito ang Kuwento ng Pag-big na hihilom sa ating mga sugat, bubusog sa ating iba’t ibang kagutuman at magpapabago sa ating makasalanang buhay.  Ito ang Kuwento ng Pag-ibig na magpapaningas sa alab ng puso na mananatiling buhay sa ating dibdib sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ito ang Kuwento ng Pag-ibig na kailangan muling magkakatawang-tao sa ating sariling buhay “sapagkat ang kasalukuyang mundo ay nakikinig lamang sa mga tagapagturo kung sila ay mga buhay na saksi” (EN 76).

 

PANIMULANG KATEKESIS (“Pre-Sacramental”)

 

“Paano bang pinatitingkad at pinapanatiling maalab ang bagong buhay na ating tinanggap sa pamamagitan ng pakiki-isa kay Kristo at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo?” Walang iba kundi sa ating ganap, mulat at aktibong pakikilahok sa mga Banal na Pagdiriwang ng Pag-iibigan natin ng Diyos: ang mga Sakramento.  Ngunit, sa totoo lang, marami ang hindi nadarama ang sigla at hindi nararanasan ang kapangyarihang nakatago sa likod ng mga simbolo ng Liturhiya.  Kaya nga’t, kailangan mabawi ang kanilang pagsamba mula sa mga nakaka-inip at walang kabuhay-buhay na pagdiriwang ng mga tila tau-tauhang sumasamba na hindi alam ang kanilang ginagawa.  Kailangan bigyang buhay ng espiritu ng panalangin at bigyang kahulugan ng liwanag ng “katekesis” ang iba’t-ibang pagsamba nating mga Katoliko. Itinuturo ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas na “walang sakramento ang dapat ipagdiwang ng walang sapat na pagpapaliwanag sa mga kalahok tungkol sa kahulugan ng sakramentong kanilang tatanggapin.  Ang “katekesis” ay lubhang kailangan sa mga sakramento ng binyag, kumpil at kasal” (PCP II, 178).  Dahil, “kung walang “katekesis” ang pagsamba, mauuwi lamang sa mistulang “ritwal” o palabas ang mga ito na walang kabuluhan at maituturing mga pamahiin o ‘di kaya’y gawain ng isang salamangkero” (PCP II, 183).

 

 

“KATEKESIS” (PATULOY NA PAGHUBOG SA PANANAMPALATAYA)

 

A. Pangunahing Tandis

 

Ang nananatiling pangunahing tandis maging ng Inang Simbahan at ng Simbahan dito sa Pilipinas ay “katekesis.”  Ayon sa 1977 Sinodo ng mga Obispo, “Walang dudang kailangan maging pangunahing tandis ng Simbahan ang katekesis.”  Wika naman ng   Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, “Ang pinakasaligang larangan ng pagpapanibago at ang dapat maging pangunahing tandis ay katekesis” (PCP II, 183) sapagkat “ang pinaka-ugat na suliranin ng Simbahan sa Pilipinas ay suliranin ng katekesis (NCDP, p.64); at kung walang “katekesis,” ang panlipunang apostolado ay magiging pagkilos na walang patutunguhan at ang pagsamba natin ay mistulang “ritwal” na walang diwa.  Sampung taon matapos ipagdiwang ang Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, napagpasyahang muli ng Simbahan sa Pilipinas na ang kanyang pinakaunang tandis ay Ganap na Paghubog sa Pananampalataya sapagkat “sa pusod ng pagpapanibago ng buhay-pananampalataya ay paghubog” (Message of the National Pastoral Consultation on Church Renewal).

 

B. Layunin ng “Katekesis”

 

Sa “katekesis” na gawain at pananagutan ng buong sambayanan, ayon sa Santo Papa, Juan Pablo II, ang Salita ng Diyos ay patuloy na pinapahayag sa buhay at mabisang pamamaraan upang higit na makilala ang Katauhan (“person”) at Misyon ni Jesus-Kristo.  Ito ay binubuo ng maayos at “sistematikong” paghubog sa pananampalataya kalakip ng patuloy na pag-unlad sa pagsasabuhay nitong pananampalataya.  Sa pamamagitan ng “katekesis,” ibinabahagi ng Inang Simbahan ang pananampalatayang kanyang tinanggap, nauunawaan, ipinagdiriwang, isinasabuhay at ipinapahayag sa mga bata at kabataan, may sapat na gulang at matatandang binyagan upang masigla, mulat at ganap nila itong maisabuhay (CT, 18; GDC 105).  Kung gayon, ang layunin ng “katekesis” ay patuloy na pag-unlad sa kamalayang-pananampalataya at paglago sa buhay-pananampalataya (CT 19-20).

 

          Ang paghubog sa pananampalataya o “katekesis” ay may limang    tukoy na   layunin:

 

-    Maayos at sistematikong maipaliwanag ang mga Katolikong Katuruan  na naka-sentro kay Jesu-Kristo at nakasalig sa Banal na Kasulatan, “Tradisyon” at “Magisterium” ng  Inang Simbahan.

 

-    Ganap na mahubog ang budhi at maipaliwanag ang larawan ng taong kamukha ng Diyos (vision of being totally human), mga pagpapahalaga (“values”), mga nakagawiang ugali at pagkilos (habits and attitudes) at  mga pamantayan (norms) ng Katolikong moralidad upang ang binyagang tinuturuan ay makapaglakbay kasama ni Jesu-Kristo sa Kanyang Landas ng Pagpapakabanal.

 

-    Maituro ang mga pamamaraan ng pananalangin at masiglang pakikilahok sa Liturhiya ng Simbahan dahil ang pakikipagtagpo kay Jesu-Kristong muling nabuhay ang siyang  pinakamabisang paraan para maging matatag ang pagtatalaga ng sarili ng isang Katoliko kay Jesu-Kristo.

 

-    Mapaunlad ang diwa ng pakikiisa at tapat na paglilingkod sa Kristiyanong Sambayanan bilang aktibong kaanib nito.

 

-    Maitanim sa kalooban ng mga tinuturuan ang mga Kristiyanong Pagpapahalaga at kaugalian ayon sa Banal na Kasulatan at masanay sila sa pagkilatis at pag-unawa sa mga nangyayari sa araw-araw na buhay ayon sa liwanag ng Pananampalataya upang sila’y maging Buhay na Saksi ni Jesu-Kristo sa mundong kanilang ginagalawan.

 

C. “Katekesis” sa Bawat Yugto ng Buhay

 

Ang “katekesis” ay isang banal na tungkuling nagmumula sa utos ng Panginoon, “Gawin ninyong alagad Ko ang lahat ng mga bansa at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos Ko” (Mateo 28, 19-20).  Kung gayon, ang bawat Kristiyano ay “katekista” - tagapagturo at tagapagdala na Mabuting Balita.  Kasabay nito, isang hindi maikakait na karapatan ng bawat binyagan ang tumanggap ng paghubog sa pananampalataya (GDC 167).  Kaya, sa kabilang dako, nangangailangan ng habambuhay na “katekesis” ang bawat Katoliko hindi lamang dahil patuloy na nagbabago ang buhay niya at ang mundong kanyang kinalalagyan; bagkus “minumulat sa atin ng karanasan na mayroon lamang banayad na pagtanggap sa Mabuting Balita – binubuo ng lumalalim na pang-unawa sa Kristiyanong katuruan, sumisiglang pakikilahok sa Kristiyanong pagdiriwang at humihigpit na pagkapit sa Kristiyanong pamumuhay (GDC 165).   

 

Ang mabisang “katekesis” ay nakasalalay sa pag-aangkop nito sa nagbabagong kalalagayan at pangangailangan ng mga Katoliko sa iba’t-ibang yugto ng kanilang buhay.  Ang pagpapakilala sa Amang mapagmahal, kay Jesu-Kristong kanilang kapatid at sa makapangyarihang Espiritu Santong nananahan sa kanilang puso ang layuning ng Pambatang Katekesis.  Inaakay din ng mga katekista ang mga bata tungo sa mabuting pakikipagkaibigan, taimtim na pananalangin at masayang pagkikilahok sa mga pansambayanang pagdiriwang, lalo na ang Banal na Eukaristiya. 

 

Ang Pangkabataang Katekesis naman ay binubuo ng mga sumusunod na nagtatalabang layunin: ipahayag ang Mabuting Balita at ang tugon nito sa mga katunungan ng mga kabataan tungkol sa mga hiwaga ng buhay; maghanap ng mga pagkakataong maglingkod; itaguyod ang sama-samang pagsamba; at tungo sa paglikha ng natatanging sambayanan ng mga kabataan. 

 

Hangarin naman ng Katekesis para sa mga may Gulang na o Magulang ang ganap na pagkakabuklod ng Kristiyanong pananampalataya sa kanilang araw-araw na buhay sa tahanan, sambayanan at lipunan. Makakamit ito sa pamamagitan ng: pagpapa-unlad ng bagong buhay kay Kristo sa tulong ng mga sakramento at ibang banal na pagsasanay; sama-samang pagsusuri sa kahulugan ng mga nangyayari sa kapaligiran sa liwanag ng pananampalataya; pagpapaliwanag sa iba’t ibang paksang mainit na pinag-uusapan na may kinalaman sa moralidad, relihiyon, pulitika, atbp.; pagpapalalim sa mga katwiran na saligan ng pananampalatayata sa kasalukuyang panahon; paghimok tungo sa higit na kahanga-hangang pagpapatotoo sa pananampalataya at pakikibahagi sa misyon ng simbahan. 

 

Kailangan namang isa-alang-alang ng Pangmatandang Katekesis ang kanilang malawak na karanasan at ang mga natatanging pagsubok hatid ng katandaan.  Pag-asa, pasasalamat at pangarap na nakaugat sa katiyakan ng pakikipagtagpo sa Diyos ng Pag-ibig ay nararapat lamang nilalaman ng katekesis para sa mga kapatid nating malapit nang humapon sa kandungan ng Ama (CBCP, Revised Draft of NCDP).

 

D. Saan Ginaganap at Sino ang Gumaganap ng “Katekesis”

 

Dahil ang pamilya ang pinakasaligang bahagi ng Simbahan at ng lipunan, nararapat lamang na dito unang ibinabahagi ang Mabuting Balita.  Ang pinaka-unang katekista sa buhay ng bawat Katoliko ay ang kanyang mga magulang.  Sa pamamagitan ng kanilang halimbawa at uri ng pamumuhay, itinatanim ng mga magulang sa kanilang mga anak ang pagkilala sa Diyos, ang pagtawag sa Kanya, ang kamalayan sa mabuti at masama, at ang pagpapakita ng pag-ibig (GDC 255).  Kaya nga’t pinili ng Simbahan ang pamilya bilang tampulan ng “ebanghelisasyon” upang ang pamilya mismo ang magsilbing tagapaghubog sa buhay-pananampalataya ng kanyang mga miyembro (Message of the National Pastoral Consultation on Church Renewal).  Pinapangunahan, pinapatnubayan at pinapayaman ng katekesis sa pamilya ang lahat ng uri ng “katekesis” (GDC 226).  Gayunpaman, marami sa mga Pilipinong pamilya ay wala pang kakayahang itaguyod ang maayos at “sistematikong” katekesis para sa kanilang mga anak.  Kailangan punuan ng mga parokya at mga Katolikong paaralan ang kakulangan ng mga magulang na kadalasan ay nangangailangan din ng “katekesis.”

 

Ang “sistematikong” Pambata at Pangkabataang “katekesis” ay isinasagawa sa mga paaralan, maging pampubliko man o “pribado,” sa pamamagitan ng mga katekistang sugo ng parokya. Yayamang dito sa Pilipinas, ang pinakamahalagang tagahubog ng sambayanan at tagabalangkas ng mga gawain sa parokya ay ang kura paroko, nakasalalay sa kanya ang pagsulong ng “katekesis” sa kanyang parokya.  Gayunpaman, nasa kamay ng mga katekista ang pagpapatupad ng mga programang pang-“katekesis” maging sa parokya o sa mga paaralan.  Sila ang pinakamatapat at masipag na mga lingkod ng Panginoon at ng Sambayaman.  Bagamat natutugunan na kahit paano ang mga pangangailangan nilang nakita ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, dapat pa ring palakasin ang mga programang paghuhubog na magpapasidhi ang kanilang ka-alaban sa apostolado, makapagpapadalisay sa kanilang mga layunin, makapagpapalawak ng kanilang kaalaman at makapagpapahusay ng kanilang kasanayan na magturo (PCP II, 648).  Ang mabisang paghubog sa mga katekista ay makapagbibigay sa Bayan ng Diyos ng mga katekistang higit na magtuturo sa pamamagitan ng kanilang magandang halimbawa kaysa ng kanilang itinuturo.

 

Ang mga Katolikong paaralan ay isa sa mga pinakakailangan at pinakamabisang paraan ng “ebanghelisasyon.”  Totoong sa mga paaralang ito maaaring makamit ng mga mag-aaral ang ganap na pananaw hinggil sa kanilang buhay na nakasandig sa katauhan ni Jesukristo. Nakapagbibigay ang mga “institusyong” ito ng “sistematikong” pagkaunawa sa ugnayan ng buhay at pananampalataya; gayundin, ng “sistematikong” pagninilay-nilay sa mga karanasan sa buhay sa loob ng kanilang mga pamilya, tahanan at sambayanan sa liwanag ng Salita ng Diyos (PCP II, 626).  Yayamang ang buhay-Kristiyano ay pamumuhay sa piling ng sambayanan, kailangan maranasan ng mga kaanib sa mga Katolikong paaralan ang ganitong buhay sa kanilang “institusyon” at nararapat na imulat sila sa kahalagahan ng kanilang pakikisangkot sa buhay ng parokyang kinabibilangan.

 

Gayunpaman, nagiging isang palaisipan kung bakit tila hindi ganap na nabubuo at nananatili sa kamulatan at kalooban ng mga nagsipagtapos sa mga paaralang ito ang nararapat na pagpapahalagang Kristiyano sa paraang nakapagpapatingkad ng kanilang Kristiyanong pamumuhay sa kani-?kanilang piniling larangan ng buhay. Tila hindi ganap na nahubog ang kanilang pagkatao sa pananagutang may bahagi sila sa pagbubuo ng isang mas maayos na mundo at sa pagpapanibago ng nakalulungkot na kalalagayang pangkabuhayan at pampulitika ng bansa.  Nararapat na gumawa ng mga kaukulang pagsusuri upang matiyak ang mga nagiging kakulangan ng ating mga Katolikong paaralan sa gawain ng pinagpanibagong “ebanghelisasyon” at “katekesis.” Hinihingi nito ang matapat na pagsusuri ng kalooban sa bahagi ng mga namamahala sa mga paaralan, mga gurong tagapagturo, mga magulang at mga mag-?aaral.  Ito ay upang makita nang malinaw at matugunan nang lubusan kung papaano pang magiging tunay sa adhikain ang ating mga Katolikong paaralan na maghubog sa kaisipan at kalooban ng mga mag?-aaral bilang mga Kristiyanong tumanggap at tagapaghatid ng Mabuting Balita ni Kristo, ang puno't dulong layunin ng Pinagpanibagong “Katekesis.”

 

 

News Archives

TANDIS

 @ 2007 Diocese of