The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

KAMANGHAMANGHANG MUKHA!

 

Tapos na ang Pasko! Tapos na ang Bagong Taon! Anumang pilit nating paligayahin, wala nang magagawa pa kung hindi iligpit na ang lahat ng panlabas na anyo ng Pasko at hagilapin ano ang natitirang anyo ni Hesus na maaari nating tingnan, pagmasdan at kalugdan! Kailan namangha ang tao sa pagtingin kay Hesus?

 

Una, noong binyagan siya ni Juan sa Ilog Jordan. Nabuksan ang langit, nangusap ang Ama “Ito ang minamahal kong anak na lubos kong kinalulugdan!”  Kung tayo ang naroroon kasama ni Juan, ay talagang mapapatunganga tayo sa kagandahan ng mga pangyayari! Pangalawa, sa  mataas na bundok, noong nagbagong-anyo si Hesus, tinig mula sa itaas ang narinig ”Ito ang minamahal kong anak na lubos kong kinalulugdan, pakinggan ninyo siya!” Pangatlo, sa krus, noong sinibat siya ng sundalo,  bumuhos ang dugo at tubig mula sa kanyang tagiliran at namangha ang isang kapitan,” Tunay ngang anak ng Diyos ang taong ito! Iba’t iba ang mukha ni Hesus, ngunit’t iisa ang sinasabi!!!

 

Minsan, may nanginginig na empleyado ng isang pabrika ang lumapit sa akin upang magpabasbas. Sabi ko, nasaan ang babasbasan? Siya raw mismo! Birthday mo? Hindi po! Maglalakbay? Hindi po! Anibersaryo? Hindi po! May sakit? Mas malubha pa raw sa sakit! May nakakita raw sa kanya sa pabrika na naglalakad siya ng walang ulo! Pangitain daw na siya ay malapit ng mamatay! Hindi ako nagpahalatang kinikilabutan! Bastat ipinatong ko ang kamay ko sa kanyang ulo. Pagkatapos ng munting panalangin at bendisyon ay nagbiro pa ako, “Meron ka namang ulo ah! Hindi nawawala ang iyong mukha!”

 

MUKHA! Katumbas ng pagkilala sa tao! I.D. ika nga. Mahirap ang walang mukha, kahit may pangalan, mahirap kilalanin! Ano kaya, makita tayo minsan na walang mukha! Totoong isang uri ng kamatayan! Kawalan ng dangal, kawalan ng karapatan, kawalan ng maihaharap at maipagmamalaki! “Wala na akong mukhang maihaharap sa iyo!” Kadalasang wika ng mga nagkakasala at nagkakautang! Si Hesus ay nasa ilog Jordan kalublob at kasama ng mga makasalanan upang bigyan ng bagong mukha ang mundong nagkasala sa Diyos!

 

MUKHA! Katumbas ng liwanag! Kapag may nawawala tayong kasama at naliligaw tayo, nadidiliman ang paningin natin. Kapag nakita na ay napapangiti kahit na may halong yamot. Sa gitna ng madla ,may hinahanap tayong mukha, siya ang nagliliwanag sa karamihan, siya ang nagbibigay ng saya! Binigyan tayo ng Diyos ng mukha upang maging kalarawan niya. Ganito pa rin ba ang ating pagtingin sa isa’t isa?

 

MUKHA! Katumbas ng kamatayan sa krus! Kalunos-lunos! Tsunami, mukhang binalatan ang mundo ng halimaw na tubig at mga higanteng alon! Nasaan ang mukha ng kapaligiran? Marami pang bangkay ang wala ng mukha! Mahirap itong makita at maunawaan! Wasak-wasak at kakilakilabot! Iyon din ang mukha ni Hesus sa krus! Kalugod-lugod din ba ang Tsunami? Marahil, Oo! Mukhang ang mundo ay naging magkakamukhang muli! Pare-pareho sa pagdadalamhati at pagluluksa, sa pagkilos at pagdadamayan; sa pagtanggap at pagbibigayan; sa pagyakap at pagmamahalan; sa buhay at kamatayan; sa natagpuang buhay at pag-asa! Sa pagkilala sa kapwa at sa mukha ng Diyos na kamanghamangha sa balat ng lupa, Maraming Salamat sa Iyong Mahiwagang Mukha! Amen!

 

 

Home

Fr. Perry

 @ 2007 Diocese of