The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

Balang Araw…

(Ikalawang Kuntil Butil)

 

Maraming “Bakit?” sa ebanghelyo! Bakit nasa dagat si Hesus, ngunit ang pinag-uusapan ay butil sa kabukiran? Bakit hindi nagbilang si Hesus ng mga butil na nasayang sa kalsada, sa batuhan, sa dawagan? Hindi ba siya nanghihinayang? Hindi ba siya marunong malugi? Hindi ba siya marunong mag “audit” ng losses, at magpalit ng negosyo? Bakit masyado siyang maluhong “magbigay” at “mag-aksaya”? Nagbilang siya sa bandang huli, masaya na siya sa mga nahulog sa matabang lupa, kahit na ang bilang ng mga butil sa uhay, ay 100, 60, at 30…Pababa pa, baka nga hanggang sa mawala pa! Pero maligaya siyang naghahasik… KASI ANG SAGOT AY “BALANG ARAW…”

 

Isang araw si Juan dela Cruz ay naglalakad sa kalye, gusgusan, taong grasa, busabos ang buhay. Nagpakasama. Naglustay ng pera. Nalulong sa masamang bisyo. Binugbog ang asawa at mga anak. Mapagmura. Sinungaling. Hanggang makita niya na siya ay nag-iisa sa mainit na kalsada ng lapnos na buhay! Ngunit sa kanyang pangungulila, ay nakatagpo siya ng isang baluktot na pako, nakakatetano ang makapal na kalawang na bumabalot sa pakong natagpuan. Ang sabi ni Juan dela Cruz “Ganito ako, ako ito!” Katulad ko’y pakong baluktot at kinakalawang. Minabuti niyang maging kapwa ang “Pako” kasi iyon lamang ang katulad niya sa kalye! Inilagay sa bulsa sa may dibdib. Isang umaga, natagpuan niya ang isang bato. Naisipan niyang pukpukin ang pako upang maituwid ang pagkabaluktot nito. Pinukpok ng husto…malakas at matigas na bato. Naituwid. Nakapulot si Juan ng “papel de liha” o “sand paper” sa basurahan. Naisip niya ang pakong kaibigan…kiniskis nito hanggang matanggal ang kalawang ng pako.Pinagtiisan, pinaghirapan…Ang dating pakong kalye ay may bagong tuwid at kinang sa kamay ni Juan! At sabi ni Juan dela Cruz sa kanyang sarili…”Kung ako na busabos ay nagawa kong baguhin ang pako, ang Diyos pa kaya na kay buti at banal…ang hindi maituwid at linisin ang aking buhay!!!” Mula noon ay nagbago si Juan, bumalik sa asawa at mga anak, nagsisi, nagtrabaho, nagpakabuti, naging matuwid at luminaw ang buhay!

 

Balang araw…Ang Kalye ay magiging “Daan”… “Ako ang Daan, Katotohanan, at Buhay…” ang sabi ni Kristo.

 

Balanga araw…Ang “Bato” ay magiging sandata ng Paninindigan at Pagbabago. At sa ibabaw ng Batong ito ay itatayo ko ang Simbahan… ang sabi ni Kristo kay Pedro.

 

Balang araw…Ang “Tinik sa Dawagan”, ay “Koronang Tinik” sa ulo ng Kristong Hari. “Mabuhay ang hari ng mga Hudyo” ang sigaw ng mga sundalong Romano… “Ito nga ang Anak ng Diyos” ang bulong ng senturyon.

 

Ang Kalye…Ang Bato…Ang Dawagan…na hinulugan ng mga butil ng Salita ng Diyos ay BALANG ARAW…MAY BAKAS NG BUTIL!

 

                        May mahiwagang pagtubo, kahit na mga Bakas…”

                        Iyan ang diwa ng hindi panghihinayang…”

                        Ganoon ang tila “Asyong Aksayang”  Diyos!

                        Marunong ang Diyos sa lahat! Mapaghimala!

                        Kahit “Bakas” ng Butil…ay kayang “Palaguin”.

                        BALANG ARAW…

 

May kinabukasan pa rin ang Pinoy! Magkaroon lamang tayo ng isang “Butil ng Mustasa” sa Kalye, sa Bato, at sa Tinik sa Lupang Hinirang!! May pag-asa si Juan dela Cruz. May pag-asa ang bansa!“

 

Kahit “Saan” at kahit “Kailan” ay naroon ang “Salita ng Diyos”. Kahit sa pabrika, sa kalsada, sa hacienda, sa taguling, sa basura, sa mansion, sa barung-barong, sa kumbento, sa altar, sa kumunoy ng kasalanan, sa Beer House, sa Malacaņang, sa kalye ng EDSA, Mendiola, sa Roma, Basilica ni San Pedro, sa Ermita, sa mga matigas na puso, sa kalawanging budhi, sa mapagmalaking mundo, at sa Matabang Lupa…A, basta  KAHIT SAAN, KAHIT KAILAN! dahil “Napakaluhong Maghasik ng ating Diyos! Naihasik na si Kristo sa kalahat-lahatan!”………………………………………………..Amen!

 

 

 

 

Home

Fr. Perry

 @ 2007 Diocese of