![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
TAGLAMIG Setyembre 18
Nagsimula nang umuwi ang mga dahon Sa lupang pinagmulan ng kanilang ugat At isa-siang inililipad ng hangin Sa kung saan-saang bahagi ng lungsod. Sa mga taga-rito, ang tawag ay tagglagas Sa aking baguhan lamang, Ang tawag ko ay taglamig.
Nang magpaalam si Rocky sa kanyang pamilya Matapos ang mahabang paghihirap sa kanser At minsan ay nadalaw ko sa kanilang apartment Sa dulo ng 42nd Street sa Manhattan, Ang pamilyang luhaan sa kanyang pagpanaw Ay nagkaisang sabihin sa akin, Magsisimula na ang taglamig sa kanilang buhay.
Nang iniwan ni Eliza ang kanyang anak sa Queens Upang umuwi na sa Puerto Rico Sapagka't wala na siyang trabaho dito At nagsimula na silang maghirap, Nasabi niya sa akin Taglamig ang buhay kung hiwalay sa pamilya.
Taglamig nga ang tawag Sa mga karanasang laging may hinahanap At waring hiwalay sa kung anu-anong bagay Lalo na ang mga katulad nina Rocky at Eliza At sa marami pang iba Na waring unti-unting umuuwi sa pinagmulan.
Taglamig na ang buhay Kapag ang bawa't pintig ng puso Ay magsimulang maghanap ng nawawalang musika Matapos ang mahabang panahon ng pagkatha At paglikha ng bakas sa landas ng buhay Na waring iisa lang naman ang patutunguhan At tulad ng mga dahong isa-isang bumabagsak Sa lupang pinagmulan ng lahat.
Darating sa ayaw mo at sa gusto Ang taglamig ng buhay mo. |
||||