The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

MUSIKA SA SUBWAY

 

Nagulat ako nang marinig ko ang AVE MARIA

Sa ilalim ng kalsada ng New York

Na ang tawag ay subway.

Dito sa Subway ng Times Square, 42nd street

At sa iba pang subways

Maraming musikang maririnig.

 

Iba't ibang bansa pa nga

May mga himig Aprikano,

Latino, Hapon, at iba pa

(Walang Pilipino!).

 

May nagdadala ng cello at violin,

Gitara at tambol

May karaoke at mikropono

Siyempre, may katabing lalagyan ng abuloy!

 

Sa gitna ng daan-daang tao

Sa kanilang pagmamadali,

Sa aming pagmamadali,

Minsan, ang musika nila ang nagbibigay sigla

Nagbibigay pagtawid sa nakaraan

O marahil inspirasyon sa bukas.

 

Kapag panay tunog lamang ng paa

Ang maririnig mo sa bawa't subway,

Parang hindi daw ito ang New York subway.

 

Isang araw, nais kong makilala

Ang 2 Hapon na laging tumutugtog

Ng Ave Maria sa Kanilang cello

Tuwing alas-singko y media ng hapon,

O kay gandang marinig ang musikang ito

Nag-aanyaya, nagpapaalaala

Sa Mahal na Birheng lagi kong kasama.

 

more Reflections

 @ 2007 Diocese of