![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
BALE WALA Agosto 21
Ang lahat ay bale wala Ang tagumpay ay bale wala Kung wala kang natatanging ikaw Na kasalo mo Pagdating ng gabi Pagkatapos ng trabaho Sa maghapong pakikibaka Sa nag-uunahang kalsada ng Manhattan...
Ito ang karanasan ni Eillen Ni Paul, ni Bibsy, ni Gene, ni Robby At ng marami pang puti ang lahi At minsan, pati na rin ibang kulay Kung ang buong buhay Ay iniaalay sa trabaho At naging matagumpay nga sila May bahay, o apartment At mataas na sweldo At maraming credit at debit cards At maraming burgers, steak at fries At maraming broadway shows At sine at billboards At laptops at pabango at pangkulay ng buhok At pangmarka sa katawan, sa paa o sa labi.
Pag-uwi daw ng bahay, apartment man o boarding house Nag-iisang kakain ng galing sa paboritong fastfood O kahi't na laging galing sa microwave Mag-isang kakain habang nanonood ng cable tv Na may mahigit dalawangdaang channels At gigising na nagmmadali Lalakad sa subway na dala ang kape sa basong papel Habang ang isang kamay ay bitbit ang libreng dyaryo At magmamadali pagbukas ng pintuan ng tren At hindi titingin sa kung kani-kanino Kasi babasahin ang dyaryo Nakatayo habang hindi halos marinig ang malakas na ugong ng tren At pagdating sa opisina, subsob ulit Na parang hindi kilala ang lahat Maliban sa mga hungkag na "how are you today?" At "hello" at "hi" At pag-uwi, ganoon ulit Minsan aabangan ang weather channel Kung anong uri ng damit ang dadalhin May ulan ba ng 2 inches o showers lang (Ewan ko pag winter na....).
Nagtaka ako nang minsan ay sabihin nila ito Akala ko nagbibiro lang sila At doon ko napahalagahan Ang kultura ng pamilya sa atin Kasi sila pag ayaw na sa isa Pwedeng maghanap na naman ng iba Tulad ng pagpalit ng sapatos Na pang-summer o pang- winter Kaya walang panghabangbuhay na relasyon At wala ring hamon na kilalanin ang bawa't isa At hindi rin maunawaan Na kapag alam mo ang "bakit" Lahat ng "gaano", lahat ng "paano" Ay iyong tatawirin Kasi sa kanila, ang lahat ay instant Tulad ng kape at mga pagkain.
Hindi rin magkaroon ng kabuluhan Hindi rin magkaroon ng lalim Ang kahulugan ng buhay. Doon ako nakaramdam ng awa sa kanila Noong una ay inggit, pero hindi pala dapat Kundi awa Kasi ang lahat ay bale wala Kung walang natatanging ikaw Na makakasalo mo sa tagumpay at tuwa, Sa lungkot at luha, Ang lahat pala ay bale wala... |
||||