Kristong Hari 2009

 

Parang may problema tayo sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari. Sa ating kultura, parang mahirap maghanap ng kaugnayan sa isang hari, lalo na kung titingnan natin ang ating karanasan sa ating pamahalaan - sasabihin natin, nasa demokrasya tayo. Kakaiba kapag ang isang hari o reyna ang namumuno sa atin. Hahanapin natin ang kanyang trono o setro o kaharian. Parang pang Gitnang Panahon o Middle Ages pa ito. Pero kung titingnan natin ang kapaligiran o pinagmulan ng Dakilang Kapistahang ito, baka sakaling may makuha tayong kaugnayan o koneksiyon.

Ayon sa kasaysayan ng ating Simbahan, itinatag ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari ni Papa Pio XI noong 1925? Bakit? Sapagka't kailangan ng Simbahan ang imahe ni Hesus bilang Hari. Sa kauna-unahang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahang ito, si Benito Mussolini ang namumuno sa Italya ng 3 taon na. Noon ay nabalita na si Hitler na kalalabas lang ng bilangguan, ang kanyang partido o Nazi party, ay lumalaki na sa popularidad at ang ekonomiya ng mundo noon ay nasa tinatawag na depression. Ang tinatawag na sekularismo at Atiesmo ay lumalaganap. Nang panahong ito, ipinagpumilitan ni Papa Pio XI na sa gitna ng mga bagong diktador na nagiging popular at sa gitna ng lumalaganap na maling pakahulugan ng buhay ng tao, na sa gitna ng mga ito, si Hesus ang siyang Hari ng Sanlibutan.

Ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari ay itinatag bilang isang simbolismo, isang sagisag upang sagutin ang katanungang umiiral noon - sino o ano ba talaga ang naghahari sa buhay mo? Sino o ano ang naghahari sa buhay mo at paano ito o paano siya naghahari sa buhay mo? Kung ganito ang pakahulugan ng Dakilang Kapistahan, makakikita tayo ng ugnayan sa buhay natin ngayon at maging sa modernong lipunang ginagalawan natin.

Subukan nating suriin ang mga nangyayari sa kapaligiran natin at maging sa labas ng bansa natin. Sa Europa, lalo't higit sa Italya, pinaaalias na ng batas nila ang krusipiho sa mga eskwelahan o maging sa mga pampublikong lugar. Ang sabi ng mga nagsasagawa nito, ipinipilit ng Simbahan sa mga hindi nananampalataya ang pinaniniwalaan nito, kaya dapat lang na tanggalin. Sa Amerika, ipinabawal na ang pagdarasal sa mga opisina at mga eskwelahan. Pinatanggal na ang mga alaaala ng Kristiyanisno o ng konsepto ng Diyos sapagka't nakalilito daw ito. Pati ang pagbanggit ng "Merry Christmas" na may kaugnayan sa Kristiyanismo ay pinapalitan ng "Happy Holidays"!

Pinapasok na ng sekularismo ang kabanalan ng Simbahan. Pilit na at unti-unti nang nawawala ang tinatawag nating "sense of holiness" sa mga pagsamba natin. Pansinin ninyo ang mga sumusunod:

1. Sa mga Sakramento: wala na ang paggalang - mas gugustuhin pang paghandaan ang reception sa kasal. Ang mundo ng telenovela ay ipinapasok na sa pagdiriwang - mga awiting kinakanta sa mga magka-loveteam ang ipinapalit sa mga awitiing pansimbahan. Pinakikialaman na pati ang liturhiya ng kasal na para baga itong shooting ng pelikula. Gustong gayahin ang mga napapanood sa telebisyon at pelikula. Masyadong conscious na sa video at camera kaysa sa pagdiriwang. Kahi't na sa first communion ay gusto pati pagbukas ng bibig ay nakalitrato at mga magulang pa ang nagpapasimuno nito.

2. Sa mga awiting pangsamba - may dapat na tingnan - hangga't hindi nawawala ang mga mala-konsiyertong pag-awit, wala talagang liturgical singing. Pwede ito kapag mga espesyal na okasyon pero suriin ninyo ang mga awitin natin pag Linggo. Hindi porke may lyrics na "aleluya" ay liturgical na. Nag-gagalaiti ang choir sa pagkanta. Kasi uso ang pagbirit sa mga pag-aawit sa telebisyon. Hindi lahat ng awitin sa misang naririnig natin ay pangliturhiya. Mas angkop na nasa konsiyerto sila. Kapag hindi ito nakakapag-anyaya sa mga mananampalatayang magdasal, bagkus ay pakinggan na lang, nawawala na ang "sense of holiness".

3. Sa mga taong nagsisimba, maraming walang paggalang sa loob ng simbahan. Mga naghihintayan ng appointments sa loob, mga nagtutunugan na cellphone, mga bibig na nag ngunguyaan ng kung anu-ano kahit makikinabang na. Kailan na naging telephone booth ang loob ng simbahan? Kailan na naging basurahan ang loob ng sinbahan? Kung may ghostbusters, sana ay meron tayong "gumbusters" na magbibigay ng tissue paper sa mga ngumunguya para ang atensiyon ay kay Kristo. Bahagi ito ng "one hour fasting" bago magsimba. Ito ay pambabastos kay Kristo na nagsasalita sa mga Pagbasa at nag-aanyaya para tanggapin Siya sa Komunyon.

4. Mga lingkod ng simbahan na nasa loob lamang kung kailan sila kailangan at habang ginaganap ang mga Pagbasa ay nasa sacristy, tapos, makikita sa altar kapag makikinabang na. Mga lingkod ng simbahan na nagpapagalingan, nagkukumpara kung sino ang mahusay magbasa, o mahusay kumanta.

At ang listahan ay pahaba na nang pahaba. Paano kung isasama pa natin ang mga nangyayari sa kapaligiran - ang pambabastos sa kalikasan, ang mga hindi tapat na paglilingkod at panloloko sa mga pinaglilingkuran natin. Mga mukhang pera na sa ilang libo ay ibebenta ang dangal ng eleksiyon.

Kaya, ano at sino nga ba ang naghahari sa buhay natin?

Ayon sa International Family Planning Perspectives Volume 31, Number 3, September 2005, noong taong 2000 sa Pilipinas, may 78,900 na babae ang naospital sa tinatawag na post-abortion care, at may humigit kumulang na 473,400 na babae na may edad na 15 - 44 ang nagpa-abort. Paano pa iyong mga hindi naospital?

Sa isang informal na ulat, sa ating bansa, dumarami na sa mga kabataan na pipiliin pa ang computer/ video games o telebisyon kaysa sa kanilang mga magulang. Ang ating lipunan ay nagiging "fatherless, jobless at godless". Ano at sino na nga ba ang naghahari sa ating mundo? Ilan na ba ang nagpapasakop sa mundo ng mga bawal na gamot? Bakit parang ang bibilis nang magmura ang mga bata at matatanda? Ito na ba ang naririnig nila sa kanilang mga magulang? Bakit parang okay lang ang magsinunggaling? Bakit parang wala nang "sense of sinfulness" ang mundo? Hindi porke ginagawa ng marami ay dapat nang gayahin.

Kapag sumasapit ang alas 10 ng gabi, alam ba ninyo kung nasaan ang mga anak ninyo? Bakit mas marami na ang mga kaso ng pangangalunya, minsan nagagamit pa ang pagsama sa mga organisasyon sa simbahan para makahanap ng bagong kapartner? Bakit marami tayong naririnig na mga lingkod ng simbahan mapa - layko o mapa - pari ang may mga itinatagong kuwento sa loob ng aparador ng buhay nila?

Bakit napakarami na ang mga nag-uumit ng pera sa bulsa o pitaka ng mga magulang? At bakit bata pa lang ay marunong nang magnakaw? Ano na ba ang pinagbibili natin? Pinagnilayan na ba natin ang mga gamit natin sa bahay? Sa ating katawan? Ang mga ito ba ay nabili kasi kailangan o nabili ninyo kasi gusto lang? Iba yung kailangan at iba yung gusto. Magkano ba ang nagagastos sa pag-load sa cellphone sa isang araw? At magkano ba ang inilalagay ninyo sa buslo ng simbahan? Kung may 20 milyong Katoliko ang bansa na magbibigay ng piso isang araw, ibig sabihin ay makakaipon tayo ng 20 milyon isang araw at 600 milyon sa isang buwan. Ilang simbahan na ang maipapatayo nito? Kahi't kaunti basta malimit ay aabot sa langit!

May isang guro na nagtanong sa kanyang mga estudyante kung ano ang kanilang pinakamasayang karanasan sa kanilang buhay. Sila ay mga nasa ika-5 baytang. Naluha ang guro nang marining niyang ang mga sagot ay nang sila ay kasama ng kanilang mga magulang at naghangad silang maulit muli ang mga karanasang ito. Kasama ang mga magulang ibig sabihin ay kausap nila, kakuwentuhan nila, kasama sa pamamasyal, kasama sa hapag-kainan, sama-samang nagrorosaryo o nagdarasal.

Ang paghahari ng Diyos ay nagsisimula sa paghahari ng magandang relasyon sa tahanan. Gaano katagal tayong manood sa telebisyon at gaano tayo katagal sa personal na relasyon sa mga anak at mga mahal sa buhay? Kaya kapuri-puri kayo kung nagsimba kayong kasama ang inyong asawa, ang inyong mga anak.

Ngayon, matapos nating suriin ang mga nangyayari sa kapaligiran, balikan natin ang Dakilang Kapistahang ito. Kung noong panahon ay nais salungatin ni Papa Pio XI ang maling kahulugan ng paghahari, ngayon din, ang Dakilang Kapistahang ito ay isang matinding "statement" sa kasalukuyang panahon. Kailangan natin si Hesus upang maghari sa buhay natin. Kailangan natin si Hesus sa buhay natin. Ang paghahari Niya ay kakaiba. Hindi naman Siya nangako na magiging perpekto ang mundo. Hindi naman Siya nangako na magiging maluwag ang buhay natin at wala na ang mga problema at mga pasanin. Ang tanging ibinigay Niya sa atin ay ang Diyos. Kailangan natin ang Dakilang Kapistahang ito upang ipaalala sa atin at upang hamunin tayong sana ay makita rin ang Diyos sa buhay natin, sa lipunan natin. Ang sinasabi ni Papa Benedicto sa kanyang encyclical letter na Spes Salvi, hindi maaring magtagumpay ang anumang kaharian o pamahalaan kung wala ang Diyos. At ito rin ang sinasabi ni Papa Paulo II - hangga't hindi nagiging bahagi ng buhay natin, ng puso natin ang puso ni Hesus, walang tunay na kabutihan, katarungan at pag-ibig.

Sa bawa't pagtalikod kay Hesus sa tuwing yayakapin natin ang ibang diyos sa buhay natin ay nasasaktan ang puso Niya. Siya ang haring sugatan ang puso sa pagtalikod natin. Siya ang Hari na nasusugatan ang puso upang hintayin lamang ang ating pagbabago...

Sa pamamagitan ng pagsamba natin sa Kanya, ibalik natin muli ang kabanalan ng mga pagdiriwang. Ibalik natin muli ang dignidad ng Simbahan at ang mga gawaing pansamba. Ibalik muli natin ang dignidad ng tahanan at pamilya. Ibalik muli natin ang dignidad ng pakikipag-kapuwa. Ibalik muli natin ang puso natin sa Diyos. Muli tayong magpasakop sa tunay na Hari, si Kristong Hari!

Home

Fr. Jun

 @ 2007 Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices NewsArchives Gallery BalangaRocks

item1
item1a
oldmananddog3

poemBlogs_and_more

beyondBorders.

ANG HARING SUGATAN ANG PUSO (Kristong Hari 2009)