![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
TINIG NG KAPARIAN (Fr. Perry V. Medina) MISA PASASALAMAT NI ARSOBISPO SOCRATES Oktubre 30, 2009 Katedral ng San Jose
1. Naalala ko ang turo ni BRUCE LEE, sa ENTER THE DRAGON, noong itinuturo niya ang buwa. "Look at the Moon! but why are you looking at my hand and finger! Alam naming paborito ninyo si Bruce Lee, Nguni’t hindi rin namin maiwasan ang tumingin sa inyo sa pagtuturo ninyo at ng inyong buhay bilang aming Obispo. Nguni’t ang lahat naman ng itinuturo ay ang Diyos! Maraming salamat sa pagpapamalas ng inyong sarili upang makita at makilala namin ang Diyos dito sa kaparian, ng Diyosesis ng Balanga. Kahit hindi na kayang isa-isahin pa kung anu-ano ang mga iyon, ang mahalaga ay ang karanasang magpapaalab ng puso para sa paglilingkod sa Inang Simbahan.
2. Pangalawa, mula sa maliliit hanggang sa malakihan , mula sa malapitan hanggang sa malayuang mithiin. Naalala ko ang mga paalala ninyo sa iba’t ibang aspeto ng paglilingkod. Mula sa mga ilaw, agiw, mga punde, at mga kapuna punang detalye sa katedral, ay sakop ng inyong pag-iintindi ang lahat ng mahahalaga hanggang sa mga malawakang layunin ng Bataan, Bayani at Banal, sa Sinodo, at mga magagandang layunin para sa kabanalan at kabayanihan. Maraming salamat sa malawak na puso at kalooban! Nawa’y patuloy naming matutunan ang kumilos sa pagkakaisa sa mga mithiin at layunin ng mabuti, at masigasig na kaparian ayon sa Puso ni Hesus. Nawa’y mapuspos ang aming loob ng mga hiwagang bumabalot sa pagkapari natin, na kahit magkakalayo sa distancia, parokya, ugali, kultura, at ngayon ay Diyosesis at ArkiDiyosesis ay matiyaga, at bukas-loob naming matuklasan ag pagkakapareho ng pagiging pari sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng panahon ayon sa Mabuting Pastol na si Hesus.
3. Pangatlo, nasakop ninyo ang Bataan, hindi bilang Mananakop o Hari o Gobernador... Mas napuntahan ninyo ang kasuluk-sulukan ng Lalalawigan upang matuto at makatuklas sa natatagong hiwaga ng Diyos sa lahat ng uri ng tao. Isang tila baga may pagkamisyonerong Obispo na mismong kaming mga paring tubong taga-Bataan ay hindi pa namin napupuntahan. Hindi lamang lugar kundi ang iba’t ibang mukha ng simbahan na ang bumubuo naman ay ang iisang mukha ng Diyos! Nawa’y mapagsama-sama namin bilang kaparian ang mga bukod-tanging karanasan ng simbahan upang lumago ang aming pananampalataya bilang mga pari sa kawan ng Diyos.
At Panghuli, ayon kay Lao Tse, kapag nasabi na ang lahat sa pamamagitan ng salita , ang pinakamahahalaga ay hindi pa rin kayang sakupin ng mga titik, kataga, at mga pangungusap, nguni’t ang mahalaga ay ang pagkakaunawan, pagbabahaginan, at pagsasalu-salo sa piging ni Kristo. Kung mabubuksan nga lamang ang puso ng bawa’t isang pari ay hindi kayang magsalita sapagkat napakadakila at kamamangha sa bawa’t himaymay ng buhay!
Paalam, nguni’t Hanggang sa muli. Salamat subalit marami pang minimithi... Simbahan at Kaparian sa Minsan at Walang Hanggan! |
||