The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

SI ATO’

Ikatlong Linggo ng Adbiyento

        Maraming nakakikilala kay Ato’ sa parokya.  Halos lahat ay may kuwento sa kanya.  Parang ala-Forrest Gump pa nga. May kapansanan si Ato’ – makikita sa paglakad niya.  Ganoon pa man, masayahin, laging may joke, laging may ngiti, laging nagsisimba.  Ano ang mundo para kay Ato’?  Isang mundo na may pag-ibig, may pag-asa, at may hamon.  Minsan nang dinalaw niya ako at humingi ng alay (bigas, de lata o kahi’t instant noodles), may handa siyang joke.  Bakit daw may mga taong malungkot – ang sagot niya, kasi may mga taong kuripot.  Kapag hindi daw bukas ang tao sa pagtulong, may mga taong malungkot, kasi daw nilikha tayong nag-aalay, tulad ni Hesus.

        Sa ilan, isang iskandalo si Ato’.  Kapag tinatamaan tayo ng mga pangaral, itinuturing nating isang iskandalo ang nangangaral – hindi ayon sa gusto natin ang naririnig, hindi ayon sa ating panlasa.  Nakakaiskandalo sa ating mundo.  Noong panahon ni Juan Bautista, ano ang nakita nila sa kanya?  Isang iskandalo – kumakain ng balang at pulot-pukyutan, nakadamit ng balahibo ng kamelyo, at higit sa lahat – ipinangangaral ang ayaw nilang marinig – mga ulupong, mga mapagpaimbabaw, magsisi sa mga kasalalan.  Isang iskandalo si Juan.  Ayaw nila kay Juan, ayaw natin kay Juan sapagka’t tinatamaan tayo.  Gaonoon din kay Jesus – ayaw nilang may mas magaling sa kanila, ayaw nating may mas mataas sa atin, ayaw natin, kung ganoon, ang Adbiyento. 

        Kailangan natin ang mga katulad ni Ato’ upang mapaalalahanan tayo ng ganda ng mundo at ng plano ng Diyos.  Kailangan natin ang iskandalong dala nina Juan Bautista at Ato’ upang malaman natin na ang landas ng Muling Pagsilang ni Hesus ay dapat matuwid, upang ang mundo ay mamulat sa mga karumal-dumal na epekto ng katakawan sa kaban ng bayan, ng epekto ng pag-aabuso sa kalikasan, ng pagbabago upang maging kawangis tayo ng Maylikha.  Kailangan natin ang iskandalong dulot ng pag-ibig upang isilang ang Adbiyento sa puso natin.

        Isang araw, nangarap ako na si Ato’ ay nasa unahan ng simbahan bilang isang Lay Minister.  Alam kong maraming aalis.  Pero natitiyak ko, si Hesus ay nasa loob ng simbahan, pinapalakpakan si Ato’ sa pagbibigay-buhay kay Juan Bautista, sa pagpapa-alaala na dapat ganito at dapat ganoon ang buhay kung nais nating sumunod kay Jesus.  Si Ato’ at si Juan Bautista: mga propeta ng tunay na diwa ng Muling Pagsilang, ng Pasko.

 

Fr. Jun

 @ 2007 Diocese of