![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
NOBYEMBRE 13
Mga kapatid, kakaiba ang Ebanghelyo ngayon. Parang alkansiya. Nag-iwan ng yaman ang isang tao sa kanyang tatlong alipin. Siguto, mas maiintindihan natin ang pagiging masinop ng ikatlong alipin. Kailangang itago ko ito, pag-ingatan. Pero iba ang nasa isip ng Diyos. Gusto Niya ang tubo, ng resulta, kaysa iwan sa baul ang yaman.
Ito ang buhay natin. Ano kaya ang gagawin natin kung kaharap na natin ang Diyos? At tatanungin tayo. Hindi ba binigyan kita ng kakayahang umawit? Marami ba ang nakaalala sa Akin nang umawit ka? Hindi ba binigyan kita ng kakayahang gumawa ng bahay? Marami bang lumapit sa Akin kasi natulungan mo sila sa paggawa ng bahay? Hindi ba binigyan kita ng kakayahang magturo? Marami ba ang lumapit sa Akin nang ikaw ay nagturo? Hindi ba binigyan kita ng bokasyong magpari? Marami bang napalapit sa Akin nang ikaw ay magpastol sa kanila o lalong iniwan nila ang Simbahan? O baka larawan mo ang nakaukit sa kanilang puso kasi sinolo mo ang kakayahang iniwan ko sa iyo?
Sa isang mas malalalim na pananaw, marahil ito ang gusto ni Hesus: iniwan kita ng buhay. Marami ba ang nakakilala sa Akin sapagka't nakita nila Ako sa buhay mo? Nawa ang paalaalang ito sa atin ngayong Linggo ay magsilbing tagapukaw sa ating inaalagaang yaman - ang ating buhay. Amen. |
||