![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
ka-23 Linggo sa Karaniwang Panahon Mateo 18, 15-20
Sa isang parokya na napuntahan ko, nagkaroon ng gulo sa isang pamilya. Isang kaso ng "incest". Nagsimula kong malaman ang kuwento sa pamamagitan ng Misang Batibot. Ang batang si X ay laging gusto akong yakapin at parang may laging gustong sabihin. Nang malaman ko ang kanyang gustong sabihin, ang lahat ay parang isang bombang sumabog sa aking harapan. Nasa grade 3 si X. At ang alam niya, pati ate niya ay may ganoon ding karanasan. Kinausap ko muna ang ina at hindi ako nagpahalata. Pero nabuking ako kasi matagal na pala niyang alam ang lahat. Nagalit pa nga sa akin kasi nakikialam ako. Sa maikling salita, hindi siya papayag na malaman ito ng marami kasi "nakakahiya raw". Kinuha ko ang tulong ng ilang malapit na kaibigan. Sa madaling salita, nakakulong na ang ama at lumipat ng tirahan ang pamilya, at ang mga batang biktima ay nasa mabubuting kamay na.
Likas yata sa mga Pilipino ang maglagay ng bakod sa sariling pamilya. "Huwag kang makialam". "Buhay namin ito." At iba pang uri ng pagbabakod. Mga kapatid, sa araw na ito, may isang mahalagang pahiwatig ang ating Panginoon: Kabilang tayo sa isang komunidad. Ang ating relihiyon ay hindi isang "ako at ang aking Diyos" lamang. Ang pagiging Katoliko ay hindi lamang isang personal na relasyon sa Diyos. Nagkakaroon ng mukha ang lahat kasi may ibang "ako", may mga "ikaw" sa ating kapaligiran. May mga kapwa tayo sa ating kapaligiran. Ang kapaligiran na ito ay ang ating tahanan, komunidad, at iba pang samahan. Paano mo nga naman masasabing mahal mo ang Diyos kung hindi mo mahal ang iyong kapwa? Madalas pa nga nating awitin na "walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang, walang sinuman ang namamatay, para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't isa..."
Ang pagtutuwid na tinutukoy ni Hesus ay hindi upang ikondena ang isang nagkamali, kundi upang, maibalik muli siya sa komunidad; upang maisaayos muli ang kanyang buhay at relasyon sa kapwa at sa Diyos. May pananagutan tayo sa bawa't isa. Pero higit sa lahat, may pananagutan tayo sa Diyos. Ang itinatag ni Hesus ay hindi mga eksklusibong grupo kundi isang pamayanan na nagdadamayan, sa hirap at ginhawa. |
||||