Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon Agosto 30, 2009 Deuteronomio 4:1-2,6-8; Santiago 1:17-18,21-22,27; Markos 7:1-8,14-15,21-23
PANLOOB O PANLABAS?
Tinatanong ng karamihan, alin nga ba ang mas mahalaga sa isang tao– ang panloob o panlabas? Palagay ko ay sa larangan ng pagiging alagad ni Hesus, hindi natin dapat itanong ito, sapagka’t alam na natin ang sagot ni Hesus. Pero ganoon din lamang na napag-uusapan ito, subukan nating himayin ang tanong na ito. Alam nating mahalaga ang mga aspetong ito – ang panloob at panlabas. Ano nga ba ang ibig sabihin kapag binabanggit natin ang panloob o panlabas? Kapag panloob, ito iyong kalooban natin – ang ating damdamin, ang ating nararamdaman, ang ating pinag-isipan. Ang panloob ang binabasa ni Hesus. Kapag panlabas, ito naman iyong itsura natin sa mga mapanuring mata ng tao, ito iyong binabasa ng tao – ang ating pisikal na anyo, ang ating hugis, timbang at ang mga nakikita. Sa larangan ng pananampalataya, ang panloob ay ang dahilan kung bakit tayo nagsisimba at nagsasamba- bakit tayo nasa loob ng simbahan sa mga sandaling ito. Ang panlabas ay ang ating itsura, pananamit at masasabi nating ang bunga ng panloob nating desisyon na magsamba at magsimba – ano ang isusuot kong damit kasi pormal ang pagdiriwang, anong paghahanda sa sarili ang gagawin ko kasi magsisimba ako - kaya ang iba ay nangungumpisal bago tanggapin si Hesus sa Komunyon, ang iba ay hindi muna kakain, ang iba ay magninilay sa mga Pagbasa sa Misa, at iba pa. Sa Ebanghelyo ngayon, tinanong ng mga Pariseo at ilang Eskriba ang ilan sa mga alagad ni Hesus – nakita nilang hindi muna naghugas ng kamay ang mga alagad bago kumain. Hindi yata ito ang turo na kinagisnan nila. Ang mga Hudyo at mga Pariseo ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. O kaya ay hindi kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna hinuhugasan. Para sa kanila ay batas ang paghuhugas. Pero ang nakakalimutan nila ay ginawa ang mga batas upang umunlad ang kanilang relasyon sa Diyos. Kung ganoon, ang batas ay instrumento lamang upang pagyamanin ang relasyon sa Diyos. Kapag ginawa ang batas na parang checklist na lamang at kakalimutan ang espiritu nito, sayang. Halimbawa ang kumpisal – kapag walang pagsisisi, kahit isanglibo tayong beses mangumpisal ay bale wala rin. Kaya kailangan kapag mangungumpisal tayo, mayroon tayong desisyon na kamuhian na at talikdan na ang nagawang kasalanan, kasi kung wala nito, paulit-ulit pa rin tayong yayakap sa kasalanan. Hindi sapat na nakikita tayo araw-araw o linggo-linggo sa simbahan, bagama’t maganda ito. Kailangan ay isabuhay natin ang Banal na Misa. Dasal nga tayo ng dasal na "Patawarin mo ang aming mga sala tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin" - ang iba nga nakapikit pa ang mga mata, hawak kamay pa at nanginginig pa ang iba – pero pag labas naman ng simbahan, hindi naman tayo makapagpatawad – bale wala rin. Kung ganoon, ang panlabas ay hindi mahalaga sapagka’t ang puso – ang panloob – ay hindi naman nagbago. Ang batas ay hindi para tayo maging mahusay at maarte sa pagdasal ng Ama Namin, kundi kung paano tayo mapapalapit sa Diyos at sa kapuwa. Kung tutuusin, ang paghugas ng kamay bago kumain ay isang maganda at malusog at malinis na paraan sa buhay natin. Pero ang konteksto ng batas ng paghuhugas ay upang mapalapit sa Diyos at kapuwa. Sa pamamagitan ng paghuhugas na ito, iginagalang natin ang mas mahalaga – ang ugnayan sa Diyos at kapuwa. Oo nga, malinis naman ang kamay natin bago tayo kumain, pero hindi mo naman iniisip na may ibang nangangailangan ng tulong, kain ka nga nang kain na malinis ang kamay, pero hindi ka pa rin mapagpatawad, palamura pa rin at palapintas sa kapuwa, mainggitin pa rin – pero ang lilinis ng mga kamay – naka manicure pa nga at naka sanitizer pa, pero ang puso at budhi ay hindi naman hinugasan, bale wala ang panlabas kapag hindi malinis ang panloob. Pansinin ninyo, high-tech nga tayong kung tawagin, pero sa larangan ng pananampalataya, kulelat pa rin tayo. Kaya may paalaala si Hesus ngayon sa atin. Ang tunay na kalinisan ay nagmumula sa loob, sa puso ng tao. Hindi tayo nagiging marumi kung kumain tayo ng karneng baboy o kaya porke may dungis at dumi ang balat natin ay marumi na tayo. Sabi ni Hesus, "Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya. Sapagka’t sa loob, sa puso ng tao – nagmumula ang masasmang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya... ang lahat ng ito’y nanggaling sa puso ng tao at siyang nagpaparumi sa kanya." Kailan ba nagsisimula ang pagkamuhi sa kapuwa? Nang sinuntok mo ba si X ay namuhi ka na sa kanya? Hindi! Hindi noong simula mong iangat ang kamao para suntukin si X kundi mas maaga pa nagsimula ang pagkamuhi mo – sa puso mo pa lang ay nagsimula ka nang mamuhi kay X kaya mo siya sinuntok. Kailan nagsisimula ang pagmamahal sa kapuwa? Noon bang niyakap mo si Y? Hindi! Noon bang iunat mo ang kamay mo para yakapin si Y? Nagsimula ito nang mas maaga – sa puso pa lang natin ay nagsimula nang mahalin si Y kaya mo siya niyakap. Sa puso ng tao nagsisimula, sa loob ng tao nagsisimula ang kabutihan at kasamaan. Sabi nga ni Batman sa pelikulang Batman Returns – nang tinanong siya kung sino siya, ang sagot niya, "It is not what is outside of me that defines who am I, but what lies beneath me." Hindi kung ano ang panlabas ko ang nagbibigay ng sagot kung sino ako, kundi kung ano ang nasa loob ko. Ito rin ang sinasabi sa The Little Prince ni St. Antoine-de-Exupery, "What is essential is invisible to the naked eye..." Kaya pagnilayan nating mabuti ang mga hamon sa mga pagbasa ngayon – sa Unang Pagbasa, sinasabi ni Moises na sundin ang mga itinuro niya nang walang labis at kulang – ibig sabihin, hindi lang basta bulag na pagsunod sa batas kundi unawain ang espiritu ng batas. Hindi lang ang panlabas na pagsunod sa b atas kundi pati ang panloob na pagsunod ng batas. Sa Ikalawang Pagbasa ay sinasabi ni Apostol Santiago na mamuhay tayo ayon sa Salita ng Diyos. Hindi sapat na pakinggan lang ang mga ito kundi kailangang isabuhay. Hindi porke memoryado mo ang mga talata sa Bibilia ay angat ka na sa karamihan. Kailangan makita ito sa gawa at hindi lang sa salita. Hindi sapat na nangagaral tayo ng batas ng pag-ibig o pagpapatawad – kailangang isabuhay ang mga ito para masabi nating alagad tayo ni Hesus. Hindi lang ang mga panlabas na pagbigkas ng mga salita ng Diyos tulad ng hustisya, pagpapatawad, kabutihang-asal, at iba, kundi ang pagsasabuhay nito ang mas mahalaga – at ito ay nagsisimula sa kalooban – sa puso ng tao. Ngayon, kumustahin natin ang ating mga puso – matapos na makita natin sa salamin na kay linis natin – naka puting damit, makinis na kutis na animo ay laging galing sa spa, makinis na balat... suriin natin ang kalinisan naman ng puso natin. Ito ang binabasa ng Diyos, ito ang mas mahalaga sa Kanya. Dito tayo huhusgahan, dito tayo makikilala kung tayo ay alagad ni Hesus.
|
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices NewsArchives Gallery BalangaRocks
poemBlogs_and_more
beyondBorders.
Panloob o Panlabas?
Pagninilay sa ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon (Agosto 30, 2009)