The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

GATE PASS

Setyembre 18

ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon

 

 

Kapag may gate pass tayo sa isang gusali o lugar, parang ang pakiramdam natin ay mas mataas tayo sa ibang wala nito.  Simple lang ang dahilan: mas malakas tayo sa iba kasi ang iba ay walang gate pass o kaya dadaan sa mahabang daan o marahil ay kasama tayo sa mga espesyal na panauhin.

 

Naalala ko itong estilo ng gate pass sa Ebanghelyo natin ngayon.  Una, hindi tungkol sa hidwaan ng mga empleyado ang Ebanghelyo.  Kung tutuusin, nagkasundo ang may-ari ng lupa tungkol sa upa na ibibigay niya sa mga trabahador, bagama't may iba't ibang oras sila sa trabaho.  Kaya sa oras ng bigayan ng upa, natanggap nila ang napagkasunduan.  Pero ano ang nangyari sa huling bahagi ng kuwento?  Gusto ng mga nagtrabaho nang maaga na mas mataas ang tatanggapin nilang sahod kaysa mga huling nagsimula.  Ano ang nangyari?  Nagkaroon ng inggit ang mga trabahador na ito.  Nakalimutan nila ang kagandahang-loob ng may-ari ng lupa na malaya siyang magbigay ng tulong sa kahi't kaninong nagtrabaho sa kanya.  Ito ang "gate pass mentality" ng marami sa atin  Hindi porke matagal na akong naglilingkod sa simbahan ay mas malakas na ako sa Diyos.  Ang Diyos lamang ang may kalayaang pumli ng pagkakalooban Niya ng biyaya.  Ang pagbibigay Niya ng biyaya ay hindi sapagka't mas malakas tayo sa iba, kundi ayon sa Kanyang dakilang Puso.  Kahi't na iyong mga huling naglilingkod sa Kanya - bibigyan Niya ng biyaya ayon sa Kanyang paraan.  Hindi nangangahulugang magpahuli na lang tayo: gumawa nang gumawa ng kasalanan at saka na ang pagsisisi o kaya'y ipagpaliban na muna ang paggawa ng mabuti, tutal, pwede naman palang sa huli na lang magsisi.  Mas inilalayo natin ang loob sa Kanya kung ganito ang pananaw natin.  Ang mahalaga ay ito:  ang Diyos ay nagbibigay ng biyaya sapagka't Diyos Siya at hindi natin isinasama sa ating remote control.  Ang mahalaga ay patuloy tayong naglilingkod at sumusunod sa Kanya sapagka't ang pagsunod sa Kanya ay hindi nakapaloob sa ating sariling orasan. 

 

Kalimutan natin ang mga gate pass ng pananampalataya.  Kalimutan natin kung tayo ay mas maagang nagbago o mas huli.  Ang mahalaga ay nagbago tayo.  Bahala na ang Diyos na gumawa ng Kanyang sariling paraan, sa Kanyang sariling panahon.

 

Amen.

 

Fr. Jun

 @ 2007 Diocese of