Sunod sa kuwento ng kapanganakan ni Hesus, ang kuwento ni Mateo tungkol sa mga pantas - ay itinuturing na pinakamaganda, kakaiba at kahanga-hanga simula pa noong unang panahon. Bakit matindi ang dating ng kuwentong ito na narinig natin sa Ebanghelyo? Suriin po natin at pagnilayan natin.

Maliban sa punong-puno ito ng simbolismo at mga pakahulugan, ang kuwento ay isang paglalakbay sa iba't ibang antas ng ating buhay-pananampalataya. Kung anu-anong alamat ang nakabalot sa kuwentong ito. Bagama't binanggit sa salmo ang mga hari ng Arabia at Etiopia, hindi pa rin tiyak kung sila na nga ang mga taga-Arabia. Ang mga iskolar ay nagsasabi na malamang sila ay kabilang sa relihiyon ng Persia noon na tinatawag na Zoroastrianism. Baka sila ay mga paring Zoroaster sapagka't ang pagbanggit ng bituin o tala ay isang malaking bagay sa Zoroastrianism. Naniniwala sila na kapag may isang mabuting taong ipinanganak, meron siyang natatanging bituin sa langit. At ang kadakilaan ng taong ipinanganak ay makikita sa liwanag ng tala sa kalangitan. Nalaman ng mga paring Zoroaster na may dakilang taong ipinanganak gawa ng ningning ng tala sa kalangitan. Hahanapin nila ito upang magbigay pugay sapagka't kinikilala ng relihiyong Zoroastrianism ang diyos ng liwanag.

Sa mga alamat, binigyan na rin sila ng pangalan, bagama't wala ito sa Banal na Kasulatan. Binigyan na sila ng bilang, bagama't wala rin ito sa Banal na Kasulatan. May tatlong mukha ang dakilang kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon o ng Epifania. Ang tatlong mukhang ito ay nakapaloob sa iba't ibang katangian ng mga pantas. Una, ang mga pantas ay mga TAGALABAS, ikalawa, sila ay mga NAGHAHANAP, at ikatlo, sila ay mga NAGBIBIGAY.

Sila ay mga TAGALABAS. Hindi sila kasama sa bayan ng Diyos na nababanggit sa Banal na Kasulatan. Galing sila sa malayong lupain. Ang mga pantas ay iba sa mga pinagpakitaan ng Sanggol tulad ng mga pastol. Pero bagama't sila ay mga TAGALABAS, tinanggap sila sa sabsaban. Bagama't TAGALABAS sila, nakilala nila ang Diyos. May mga TAGALABAS pa ba ngayon? Marami. Sila ang mga ipinupwera ng lipunan. Kapag naiiba sa kulay ng nakararami, kapag kakaiba ang accent ng pananalita, kapag hindi nakatapos ng pag-aaral, kapag hindi kasingyaman o iba ang pananamit - ang lipunan ay mahilig magpwera. Kapag hindi sila kasapi sa mga samahan na parang mga eksklusibo na - sila ang mga taong TAGALABAS at madalas ay ipinupwera. Huwag na tayong lumayo pa. Suriin natin ang mga iba't ibang samahan sa simbahan. Ano ang nararamdaman ninyo kapag hindi kayo nakasuot ng uniporme ng isang grupo? Malamang hindi kayo patatabihin sa upuan sa simbahan kasi lalagyan pa nila ito ng "RESERVED". Nangangahulugan bang mas mahal nila ang Diyos kaysa sa mga hindi kabilang sa mga organisasyon? Baka mas mahal pa ng Diyos ang mga TAGALABAS at mga ipinupuwera sapagka't mas maka-Diyos pa ang mga ipinupwera ng lipunan? Maka-Diyos ka na ba kung ikaw ay miyenbro ng samahan na nagsasabing "Kay Kristo" sila? Hinding-hindi.

Gaano kadalas na ba nating pagtawanan o ipuwera ang mga "kulot" kapag may nakikita tayong katulad nila? Tatawagin pa nila tayong mga "unat" at sila ay "kulot". May nasaksihan akong isang tanggapan na porke ang lumapit ay hindi nakabarong ay hindi man maayos na pinakaharapan. Pero nang may lumapit na nakabarong ay nakangiti pa siyang hinarap. At sapagka't mausisa ako. napag-alaman kong pareho silang hindi kilala ng clerk, pero halatang-halata ang diskriminasyon kasi tiningnan kaagad ang panlabas na itsura ng nagtatanong.

Sa sabsaban, walang TAGALABAS. Walang diskriminasyon, walang sinisino. Ang lahat ay tanggap ng Diyos. Ang kuwento ng mga pantas ay kuwento rin natin sapagka't naranasan natin ang ituring na TAGALABAS ng mapanuring lipunan.

Ikalawa, ang kuwento ng mga pantas ay kuwento ng mga NAGHAHANAP. Naghanap ang mga pantas. Hinanap nila ang dakilang Sanggol. Kahi't na may mga naka-ambang panganib sa mga ligaw na hayop sa kanilang paglalakbay, sa banta ni Herodes at maging sa sariling kalusugan. Pero patuloy silang naghahanap. Sabay sa kanilang paghahanap ay ang hindi kasiguraduhan. Naghanap sila ng tanda, hindi sila sigurado sa daan, sa resulta ng kanilang paglalakbay. Baka ang katapusan ng paghahanp ay wala, baka nagkamali sila sa pagbasa ng sitwasyon, pero kasabay din sa paghahanap at pagka walang katiyakan sa paglalakbay ay ang isang kakaibang puwersa sa kalooban na nagsasabing "Sige pa, ituloy mo ang paglalakbay, huwag kang mawalan ng pag-asa!"

Hindi ba't ito rin ang karanasan natin? Sa paglalakbay sa landas na kung tawagin ay Buhay - naroroon ang maraming hindi-katiyakan, walang kasiguraduhan. Ilang beses na bang umiyak si Aling Rosita sapagka't hindi niya tiyak kung uuwi pa ang asawa niyang sundalo na nadestino sa Katimugan? Ilang beses na bang narinig natin ang pag-uwi ng nga OCWs na nakakahon na sapagka't itinaya nila ang kanilang mga buhay sa ngalan ng kanilang mga pamilya? Naghanap sila ng kalutasan sa problemang pinansiyal ng kanilang pamilya - dala ang isang puwersa sa kalooban nila upang itaguyod ang pamilya?

Hindi ba tayo rin ay NAGHAHANAP ng mga kasagutan sa maraming tanong sa ating buhay? Bakit si Erica nang ipinanganak ay may taglay nang sakit sa kanyang atay? Bakit nangyayari ang maraming pagsubok kung kailan mas nalalapit tayo sa Diyos? At marami pang bakit. Ang kuwento ng mga pantas ay kuwento natin - patuloy tayong NAGHAHANAP ng sagot sa maraming tanong sa ating paglalakbay sa landas ng buhay. At kakambal sa paghahanap ay ang isang puwersa sa kalooban natin na ang tawag ay pananampalataya at pag-asa. Ang kuwento ng mga pantas ay nagsasabi sa atin na sa gitna ng ating paghahanap, ang Diyos ay hindi malayo at sa wakas, ang paghahanap pala ay hindi sayang at hindi mauuwi sa wala.

Ikatlo, ang kuwento ng mga pantas ay kuwento ng mga NAGBIBIGAY. Ito ang buod ng ating pananampalataya - ang ibigay ang sarili sa Diyos. Ibinigay ng Diyos ang Kanyang sarili sa isang sabsaban - at ang Verbo ay nagkatawang-tao - at sa Kalbaryo ibinigay Niya ang Kanyang buong sarili. Ibinigay ng mga pantas ang kanilang buhay - sa pagtataya sa mga panganib matagpuan lamang ang natatanging bituin. Paano ba naging bahagi ng buhay natin ang pagbibigay?

May isang guro sa Mababang Paaralan ang ililipat na sa isang bagong eskwelahan. Nagdala ng iba't ibang regalo ang kanyang mga mahal na estudyante. Namumukod-tangi ang regalo ni Efren - isang bato na galing sa tabing-dagat. Alam ng guro na malayo sila sa dagat. Kaya't tinanong niya si Efren. "Saan galing ito, ang ganda?" Ang sagot ni Efren, "Galing po sa tabing-dagat." Alam ng guro na may humigit-kumulang na tatlong kilometro ang layo ng dagat mula sa bahay nina Efren. At tiyak niyang naglakad lamang si Efren sa paghahanap ng batong iniregalo sa kanya. At nasabi ng guro sa sarili, "Bahagi ng regalong ito ang mahabang paglalakad."

Ang ating pananampalataya, mga kapatid, ay bahagi ng mga mahahabang paglalakad sa landas ng buhay. Ano ang maibibigay ko sa Diyos? Ano ang maibibigay ko sa mga mahal ko sa buhay? Mas mahalaga ang regalo natin kung bahagi ng regalong iyon ang ating buhay. Hindi kayang ipaloob sa "wrapper". Hindi naibabalot. Ang regalo ay regalo kung bahagi ng regalong iyon ay ang buhay mo. Walang kasing halaga ito.


Kaya mga kapatid, ang kuwento ng mga pantas ay hindi lamang isang romantikong kuwento. Ito ay ang kuwento natin. Ito ang kuwento natin nang naranasan nating tayo ay ipuwera ng mga mapanuring mata ng kapuwa. Ito ang kuwento natin sa ating patuloy sa paghahanap ng kasagutan sa mga tanong sa buhay. Ito ang kuwento natin sa ating pagsusumikap na maialay ang sarili sa Diyos. Ang Epifania ay ang Dakilang Kapistahan ng pagpapakita ni Hesus sa ngayon at dito ng buhay natin.

Home

FrJun

 @ 2007 Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices NewsArchives Gallery BalangaRocks

item1
item1a
oldmananddog3

poemBlogs_and_more

beyondBorders.

Ang Kuwento Natin (Epifania 2010)