The Roman Catholic Diocese of

Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks

 

Ang MODERNONG EMAUS

(PAGLALAKBAY)

Abril 10, 2005

  

        Naalala ko noong seminarista pa ako.  May kaibigan akong isang seminarista rin.  Namatay ang kanyang ama sa isang sakit.  Dating driver ang kanyang ama sa biyaheng Bataan.  Sa kanyang pasasalamat sa mga nakiramay sa kanila pagkatapos ng Misa, sinabi niyang “sa maraming pagkakataon, inihatid kayo ng aking ama sa pamamagitan ng pagmaneho niya sa bus.  Nakarating kayo sa Maynila at sa Bataan.  Inihatid niya kayo.  Ngayon, ating siyang ihahatid.  Tayo naman ang maghahatid sa kanya sa sementeryo.  Tayo ang magmamaneho, siya ang nag-iisang sakay – pauwi sa hantungan nating lahat.”

         

          Ang buhay daw ay isang paglalakbay.  At sa bawa’t paglalakbay, may mga bagay na parang pare-pareho tayo ng karanasan.  Minsan, may mga nakakasabay tayo, minsan, pare-pareho tayo ng karanasan ng pagkabagot sa mahabang paglalakbay, at minsan naman, ay sabay-sabay tayong natutuwa sa pagdating natin sa ating mga patutunguhan.

 

          Ngayong Linggo, muli nating narinig ang Mabuting Balita – ang paglalakbay ng 2 alagad patungong Emaus.  Saan nga ba ang Emaus?  Sabi ng mga iskolar, mahirap ituro ang lugar sa modernong mapa.  Sabi naman ng iba, sadyang hindi pang-mapa ang daan patungong Emaus – sapagka’t ito ay kuwento ng ating paglalakbay sa landas ng buhay.  Nagtaka ka ba kung bakit walang pangalan ang isang alagad?  Marahil, ikaw iyon, o si Lucille, o si Ando, si Jun, o kahi’t sino sa atin.  Sapagka’t ang kuwento ng Emaus ay kuwento ng ating paglalakbay.  Sabay-sabay nating naranasan ang may makasabay.  Kung minsan pa nga, ang mga nakakasabay natin sa landas ng buhay ay ang mga taong nagiging gabay natin, nagiging kaibigan.  Kung minsan, para bagang may iniiwasan tayong karanasan kaya nagmamadali tayo, kung pwede lang ay huwag na nating madaanan ang mga pagsubok, ang mga problema sa buhay.  Gusto na nating madaliin ang araw.  Gusto na nating tumakbo sa susunod na kalye ng buhay.  Gusto na nating tumalon sa susunod na kabanata.  Pero, teka, di ba kailangan lamang na daanan ang unang baytang para makarating sa susunod? 

 

          Ang dulo ang mahalaga.  Sa Ebanghelyo ay nagpakilala si Hesus sa pagpipiraso ng tinapay.  Baka nga sa paglalakbay nating ito, ilang beses na nating nakasabay si Hesus, pero hindi man natin Siya nakilala, kasi, abala tayo sa ganito at ganoong gawain.  Baka Siya na nga ang tumapik sa balikat mo nang ikaw ay halos wala nang nakitang kaibigan, o kaya, Siya na yata iyong isang kaibigan na hindi mo man lang napasalamatan kasi lagi naman siyang nandidiyan sa tabi mo.  Halos araw-araw nakikita mo siya, pero, nang mawala siya, saka mo hinanap.  O si Hesus na kaya si Reylen nang iwanan siya ng mga magulang kasi may kanya-kanya na silang “other half?”  Patuloy pa rin yatang hindi nakikila si Hesus sa landas na ito ng buhay kasi abala tayo – lalo na si Seņor politiko na papikit-pikit pa habang inaawit ang Ama Namin, iyon pala ay ay may mga goons na hihingi ng pangtustos sa kanyang kampanya.  Ang mga ganitong tao sa landas ng buhay ay tiyak na walang Hesus na makikilala.

 

          O si Padre X sa Cotabatao na nakita ko sa Imbestigador kanina sa Channel 7 at si Padre  na pari ng mga Agta sa Cordillera?  Hindi man yata matulungan ng gobyerno  ang kanilang ipinaglalaban – kapayapaan at edukasyon lang naman kasi – walang kamera at tv coverage nga naman – o kaya – malayo pa kasi ang election.  Hindi nga natin makilala si Hesus na kasabay na pala natin sa landas ng buhay.  Hindi man yata makita ang mga nag-aalay ng sakripisyo ng kabayanihan at kabanalan sa iba’t ibang sulok ng bansa – kasi nga naman – hindi “controversial”.

 

          Di bale, sa dulo ng paglalakbay na ito, magpapakilala si Hesus.  Kung hindi man sa nilalakaran natin, sa landas na pagdadalhan sa atin ng “strangherong” ito – sa Kanyang bahay!  Doon – tiyak na wala nang mga alalahaning tatakip sa ating mga mata, puso at isipan.  Kusa nating makikilala Siya sa pagpipiraso ng tinapay sa Kanyang Kaharian.  Pero, sana ay ngayon na natin Siya makilala.  Baka magkaroon pa ng pag-asa ang ating bansa, ang ating lipunan.

 

 

Fr. Jun

 @ 2007 Diocese of