![]() |
||
Home BishopStude SundayMassMP3 FromthePriests Directory Offices Schools NewsArchives Gallery BalangaRocks |
||
BIDA o KONTRABIDA ? Ika-2 Linggo ng Muling Pagkabuhay 3 Abril 2005
Nasanay na tayo sa mga pelikula, kaya nagtatanong tayo agad tungkol sa mga tauhan kung sino ang bida o kontrabida. Nadala na rin natin ito sa ating pagninilay sa mga pangyayari sa Banal na Kasulatan. Kaya, nagtatanong din tayo kung siya ba ang bida o kontrabida. Ngayon, sa Ebanghelyo, ang tanong ng marami ay – bida ba o kontrabida sa Tomas.
Marami ang nagsasabing kontrabida si Tomas. Biruin ninyo, nang magpakita si Hesus, wala siya. Pagkatapos, pinagdudahan pa ang kanyang mga kapatid sa pananampalataya na hindi totoong nagpakita si Hesus sa kanila. Sa mga mahilig magpauna sa pagninilay, sasabihin pa nilang diskumpiyado si Tomas. Sa ating modernong mundo, ang taong diskumpiyado ay hindi kinagigiliwan. Pero teka... suriin natin ang sitwasyon. Bakit wala si Tomas sa grupo ng mga alagad? At bakit ang mga alagad ay naiwan sa bahay at hindi sila lumalabas, hindi ba dapat na matuwa sila sapagka’t ang kanilang Guro ay muling nabuhay? Nabalitaan na nila ito, ah. At hindi ba nila naalala ang sinabi sa kanila ni Hesus na Siya ay muling mabubuhay? Teka, teka...... maglaro tayo.....
Alam n’yo ba kung bakit ang mga alagad, maliban kay Tomas ay nakakulong sa bahay? Kasi duwag sila. Takot. Kung ganoon, makasarili pa rin. Bakit hindi nila kayang panindigan na si Hesus ay muling nabuhay? Pero si Tomas? Marahil ayaw niya ang sitwasyon sa bahay – ano ba iyan, akala ko ay muling nabuhay si Hesus, bakit parang biyernes santo pa rin ang mga mukha ninyo? Mabuti pa, umalis ako dito sa bahay na ito.... Aha, matapang si Tomas. Tunay na alagad, handang manindigan!!!
Natural lang na pagdudahan ni Tomas ang mga alagad. Kung biyernes santo ang mga mukha nila at duwag pa sila, ano’t ngayon ay sasabihin pa nila na nagpakita si Hesus sa kanila? Bakit hindi kayo lumabas sa mga daan at ibalita na si Hesus, ang ating guro ay muling nabuhay! Bakit duwag pa rin kayo? Ayan, nagtatanong, nagsisiguro, hindi nagpapadala sa mga bali-balita – tunay na alagad. Hindi nadadala sa hangin o alon ng mga haka-haka.
Ngayon, sino ang tunay na bida? Mapalad si Tomas. Siya ang tunay na bida! |
||||